
Bukas ang Department of Health (DOH) sa pagpapatupad ng partial ban sa vape kung hindi maisusulong ang total ban sa bansa.
Ayon kay DOH OIC Dr. Dominic Maddumba, maaaring limitahan ang paggamit ng vape sa plain tobacco flavor upang maiwasang ma-akit ang mga kabataan, lalo na sa pamamagitan ng iba’t ibang flavored variants.
Iginiit ng ahensya na patuloy ang kanilang panawagan para sa mas mahigpit na regulasyon, kasunod ng mga pag-aaral na nag-uugnay sa paggamit ng e-cigarettes sa mga sakit tulad ng cardiovascular disease, cancer, at iba pang lung illnesses.
Kaugnay nito, nagbabala rin ang World Health Organization (WHO) hinggil sa tumataas na bilang ng mga kabataang nalululong sa nicotine dahil sa paggamit ng vape.
Patuloy namang pinag-aaralan ng DOH ang mga polisiya upang maprotektahan ang kalusugan ng publiko at mapigilan ang paglaganap ng vaping, lalo na sa hanay ng mga kabataan.










