
Muling hiniling ng mga mamamayan mula sa Chin State, Myanmar sa Department of Justice (DOJ) na resolbahin ang reklamong war crimes na inihain laban sa ilang opisyal ng militar ng Myanmar. Sa kanilang ikalawang mosyon, hiniling nilang baligtarin ang naunang desisyon ng DOJ na hindi dinggin ang reklamo dahil sa usapin ng hurisdiksyon.
Iginiit ng mga naghain ng reklamo na wala umanong ibang lokal o internasyonal na awtoridad na nagsasagawa ng imbestigasyon sa umano’y mga krimeng nagawa laban sa kanila at sa mga mamamayan ng Chin State. Anila, ang patuloy na kawalan ng aksyon ng DOJ ay nagkakait sa kanila ng pagkakataong managot ang mga responsable.
Noong 2023, naghain ang mga complainant ng reklamo laban sa sampung opisyal ng militar ng Myanmar dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 9851 o Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity. Ngunit noong 2024, tumanggi ang Office of the Prosecutor General na dinggin ang kaso dahil wala sa mga akusado o biktima ang Pilipino at wala ring akusadong nasa Pilipinas. Hanggang sa kasalukuyan, nakabinbin pa rin ang kanilang apela at mga mosyon sa DOJ.










