Arestado ang isang ina na nahaharap sa kasong infanticide matapos madiskubre ang pagtatago niya ng dalawang sanggol sa freezer sa Eastern France.

Batay sa report, nagkaroon ng siyam na anak ang suspek mula sa tatlong magkakaibang lalaki at isa nga rito ang nakadiskubre umano sa patay na sanggol sa loob ng freezer.

Nangyari ito noong February 10, 2026, na talagang ikinabigla ng pamilya ng nanay. Agad nila itong ipinaalam sa mga otoridad.

Habang isinasagawa ang pagsisiyasat sa insidente, isa pang sanggol umano ang natagpuan na nakabalot sa isang bag na nakalagay din sa naturang freezer.

Naaresto ng pulisya ang suspek sa Paris nitong nagdaang February 11 kung saan inamin niya ang ginawa sa dalawa niyang sanggol.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa salaysay ng suspek, dalawang beses niyang ginawa ang krimen sa magkaibang mga taon. Itinago raw talaga niya sa pamilya ang kanyang pagbubuntis.

Una raw niyang ipinanganak noong 2011 ang sanggol na unang natagpuan sa freezer na nasa laundry area ng kanilang tahanan at 2018 naman isilang ang ikalawang anak na isinilid niya sa bag bago itago sa freezer.

Naitago umano niya ang dalawang beses na pagbubuntis sa pamamagitan ng pagsusuot ng malalaki at maluluwag na damit.

Isinailalim na sa autopsy ang bangkay ng dalawang sanggol para malaman kung ano talaga ang sanhi ng kanilang pagkamatay.