
Ipinahayag ng National Police Commission (NAPOLCOM) nitong Linggo ang patuloy nitong pagpapatibay sa mga mekanismo ng disiplina at proseso ng imbestigasyon bilang suporta sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipatupad ang zero tolerance policy laban sa korapsyon at paglabag sa karapatang pantao sa Philippine National Police (PNP).
Ayon sa NAPOLCOM, malinaw na hamon para sa ahensya at sa PNP ang direktiba ng Pangulo na panatilihin ang pinakamataas na pamantayan ng integridad at linisin ang hanay ng mga opisyal na sumisira sa tiwala ng publiko.
Iginiit ng komisyon na patuloy nilang palalakasin ang mga mekanismo ng disiplina, pahuhusayin ang proseso ng imbestigasyon, at makikipagtulungan sa PNP at iba pang kaugnay na ahensya upang agarang mapanagot ang mga lumalabag sa batas nang patas at mabilis.
Ayon kay NAPOLCOM Commissioner Rafael Vicente Calinisan, ang paglilinis sa hanay ng pulisya ay hakbang para maibalik ang tiwala ng publiko at mapatatag ang organisasyon, at hindi laban sa pulis kundi para sa kanila at sa mamamayan.










