Tuloy na ang deklarasyon ng National Food Emergency sa bigas sa unang linggo ng Pebrero.
Kasunod ito ng pahayag ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Kamara na aprubado na at kaya nang ilabas ng National Price Coordinating Council (NPCC) sa loob ng dalawang araw ang resolusyon para sa National Food Emergency.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Department of Agriculture o DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa na sa sandaling makarating na sa DA ang kopya ng resolusyon, rerebyuhin lang ito sa loob ng dalawang araw at agad ding idedeklara ang National Food Emergency.
Ani De Mesa, handa na ang National Food Authority (NFA) na magpalabas ng stocks ng bigas.
Habang ang mga local government units ay nagsasapinal na ng kaniya- kaniyang guidelines para sa pagbebenta ng bigas.
Sa ilalim ng food security emergency, bibigyang pahintulot ang pagbebenta ng NFA rice stocks sa mga LGU.
Inaasahan namang masisimula ang bentahan nito sa publiko sa buwan ng Pebrero.