Bumuwelta ang National Bureau of Investigation (NBI) sa naging pahayag ni senator Alan Peter Cayetano na tumawag kay NBI Director Melvin Matibag na isang “cartoon character” at “minion.”

Sa inilabas na pahayag ng komisyon nitong Linggo, sinabi ng NBI na hindi nito personal na papatulan ang naging banat ng senador.

Dagdag pa ng ahensya, magpapatuloy si Matibag sa pagtupad sa kanyang tungkulin.

Nauna rito, sa isang Facebook Live, tinukoy ni Cayetano si Matibag bilang isang “minion,” o ang dilaw na karakter sa pelikulang ”Despicable Me.”

Ginawa ng senador ang pahayag kasunod ng sinabi ni Matibag na iimbestigahan ng NBI ang umano’y mga iregularidad sa pagpapatayo ng mga pasilidad na ginamit sa 2019 SEA Games.

-- ADVERTISEMENT --

Ipinaliwanag ni Matibag na kabilang sa sisiyasatin ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC), na pinamunuan noon ni Cayetano, dahil umano’y hindi ito sumailalim sa audit sa kabila ng pagtanggap ng humigit-kumulang P2 billion pondo mula sa pamahalaan.

Sa panig ni Cayetano, iginiit niyang ginagamit umano ni Matibag ang imbestigasyon upang takutin siya bago ang pagharap ng NBI director bilang testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado sa susunod na linggo.

Binigyang-diin naman ng NBI na ang isinasagawang imbestigasyon ay para matiyak ang wastong paggamit ng pondo ng bayan.

Iginiit din ng NBI na ang kanilang imbestigasyon ay patas, nakabatay sa ebidensiya, at alinsunod sa mandato ng batas.