Inihayag ng Malacañang na dapat imbestigahan ng National Bureau of Investigation ang umano’y plano na patalsikin at paslangin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr..

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, may mandato ang NBI na siyasatin ang ganitong uri ng banta sa buhay, maging ito man ay laban sa Pangulo o sa karaniwang mamamayan, at hindi na kailangan ng hiwalay na utos mula sa Malacañang.

Ang pahayag ay kasunod ng testimonya ni Ramil Madriaga sa pagdinig ng House Committee on Justice, kung saan iginiit niyang may plano umano sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at ilang retiradong heneral na patalsikin si Marcos, kabilang ang sinasabing assassination plot.

Binanggit din ang umano’y kasunduan ng kampo nina Marcos at Duterte na magbibitiw ang Pangulo pagsapit ng 2025 o mapapatalsik sa puwesto.

Sinabi ng Malacañang na nagulat si Marcos sa mga alegasyon at wala umano siyang kaalaman sa sinasabing kasunduan.

-- ADVERTISEMENT --

Iginiit din ni Castro na determinado ang Pangulo na tapusin ang kanyang termino hanggang Hunyo 2028.