Magpapakalat ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng nasa 13,084 tauhan upang tiyakin ang kaayusan at kaligtasan ng publiko ngayong Undas 2026.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Hazel Asilo, kabilang sa ide-deploy ang 12,459 tauhan ng NCRPO at 625 mula sa regional support units.

Nakahanda na rin ang deployment plan at koordinasyon ng pulisya sa mga lokal na pamahalaan, partikular sa mga sementeryo, transport terminal at iba pang lugar na inaasahang dadagsain ng publiko.

Kasalukuyang nasa heightened alert status ang NCRPO. Magsisimula ang paunang deployment sa Oktubre 29, bago ipatupad ang full alert status pagsapit ng alas-12:01 ng madaling-araw sa Oktubre 30.

Patuloy ding tinutukoy ng pulisya ang mga lugar na posibleng makaranas ng matinding trapiko at dagsa ng mga tao upang madagdagan ang presensya ng mga awtoridad. Sinusuri rin kung palalawigin ang full alert status hanggang Nobyembre 3.

-- ADVERTISEMENT --

Nagbabala naman si Asilo laban sa mga krimeng gaya ng pandurukot, panggugulo at panloloko sa gitna ng pagdagsa ng mga biyahero.

Nauna nang inanunsyo ng Department of the Interior and Local Government na mahigit 111,000 pulis ang ide-deploy sa buong bansa para sa Undas, kasama ang mga force multiplier na tutulong sa pamamahala ng trapiko at pagpapanatili ng seguridad.

Ipagdiriwang ang Araw ng mga Santo sa Nobyembre 1, Linggo, at Araw ng mga Kaluluwa sa Nobyembre 2, Lunes. Parehong special non-working day ang dalawang petsa.