
Walang namo-monitor na aktibong banta sa seguridad ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa paghahanda para sa ika-49 na ASEAN Summit at mga kaugnay na pagpupulong.
Ayon kay NCRPO officer-in-charge Police Brig. Gen. Christopher Abrahano, patuloy ang monitoring ng intelligence community laban sa anumang posibleng banta, habang nakahanda rin ang pulisya sa mga hindi inaasahang insidente.
Tiniyak ni Abrahano na paiiralin ng mga pulis ang maximum tolerance sa mga grupong magsasagawa ng protesta, alinsunod sa karapatan ng publiko na magpahayag ng kanilang mga adbokasiya, habang sinisiguro ang seguridad ng mga lugar na pagdarausan ng summit, kabilang ang Philippine International Convention Center o PICC.
Inatasan din ang mga district director at station commander na tiyaking sa mga itinalagang freedom park isasagawa ang mga pagtitipon at protesta. Hinimok naman ang mga grupong magpoprotesta na makipagtulungan sa mga awtoridad.
Paiigtingin din ang seguridad sa mga exclusion zone, 16 hotel na tutuluyan ng mga dayuhang delegado, at mga rutang pagdaraanan ng mga ito mula sa paliparan patungo sa mga hotel at PICC.










