
Kinuwestiyon ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) ang posibleng ilegal na pagkakakulong sa mahigit 200 raliyistang inaresto sa Sucat, Muntinlupa City noong Nobyembre 15, matapos umanong lumampas sa itinakdang 18 oras ang kanilang pagkakadetine nang walang pormal na reklamo.
Ayon kay NUPL lawyer Atty. Katherine Panguban, inaresto ang mga raliyista dakong alas-2:48 ng hapon noong Linggo, ngunit alas-10 na ng gabi kinabukasan nang maisumite ng pulisya ang referral letter sa piskalya.
Dahil dito, tumanggi umano ang mga detenido na lumagda sa waiver sa ilalim ng Article 125 ng Revised Penal Code, na nagtatakda ng 18 oras na palugit para maisailalim sa kaukulang proseso ang mga taong inaresto sa mga kasong may katumbas na parusa.
Nanawagan ang NUPL na agad palayain ang mga raliyista dahil lumampas na umano ang itinakdang panahon ng pagkakakulong nang walang pormal na kaso.
Samantala, itinanggi ni Southern Police District Director PBGen. Rodel Pastor ang alegasyon ng ilegal na detensyon. Aniya, makatwiran ang naging proseso dahil sa dami ng inaresto at panahong kinailangan ng piskalya upang suriin ang mga kaso.
Nagpahayag naman ang National Police Commission ng planong imbestigahan ang operasyon matapos makakita ng mga posibleng iregularidad, kabilang ang mga video na nagpapakita ng umano’y labis na paggamit ng puwersa ng mga pulis.










