
Humingi ng tulong ang isang overseas Filipino worker (OFW) mula Muntinlupa na umano’y biktima ng human trafficking at pagmamaltrato sa Thailand.
Ayon kay Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon, nakarating sa kaniyang tanggapan ang video ng OFW na humihingi ng tulong upang makauwi sa Pilipinas.
Kasama umano nito ang iba pang migrant workers na sapilitang pinagtrabaho nang 18 hanggang 20 oras kada araw, habang kulang sa pagkain at sahod.
May mga alegasyon din ng physical at sexual abuse laban sa mga biktima.
Inatasan ni Biazon ang Public Employment Service Office o PESO na kausapin ang pamilya ng OFW at agad na iniugnay ang kaso sa Department of Migrant Workers (DMW).
Nakikipag-ugnayan na rin umano ang Migrant Workers Office sa Bangkok sa OFW at kaniyang pamilya, habang patuloy ang koordinasyon para sa rescue at ligtas na pagpapauwi sa mga biktima.










