TUGUEGARAO CITY-Hinihintay na lamang ng isang overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait ang kanyang pangalawang swab test at umaasang magnenegatibo na sa covid-19 para makauwi sa bahay ng kanyang amo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Tuguegarao kay Sozet Bajon, 36-anyos,tubong Baggao, domestic helper, madaling araw ng April 17, 2020 ng kanyang malaman na positibo siya sa naturang sakit.

Pagkukuwento ni Bajon, nakaramdam siya ng takot at kaba ng kanyang malaman na positibo siya sa virus ngunit nilakasan niya ang kanyang loob para sa kanyang dalawang anak na naiwan dito sa Pilipinas.

Ayon kay Bajon, bago siya nakuhanan ng swab test, nakaramdamang na ng pananakit ng ulo, lagnat, ubo at dumudugo pa ang kanyang lalamunan.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya,una silang isinailalim sa quarantine nang magpositibo sa virus ang kanyang among babae na isang duktor.

Bagamat nakitaan din ng ilang sintomas ang kanyang mga kasamang Pilipino sa bahay ay nagnegatibo naman sa kanilang swab test at tanging si Bajon lamang ang nagpositibo.

Agad naman siyang dinala sa pagamutan at nabigyan ng serbisyong medikal kung saan unti-unti ng nakakarekober at mas maayos na ang kanyang kalagayan kung ikukumpara nitong mga nagdaang araw

Wala naman umanong problema sa pagtrato ng mga duktor doon dahil inaalagan siya ng maaayos at binigyan ng tamang serbisyong medikal.

Sa ngayon, hindi pa mabatid ni Bajon kung sino ang magbabayad ng kanyang hospital bill kung sakali na makakalabas na siya sa pagamutan.

Nabatid na tatlong taon ng nagtatrabaho sa Kuwait si Bajon kung saan una siyang nagtrabaho sa Dubai at Saudi bago lumipat sa naturang bansa.