Inihayag ng Department of Energy (DOE) na posibleng magkaroon ng rollback o pagtaas sa presyo ng gasolina ngayong linggo, habang tataas naman ang presyo ng diesel at kerosene.

Batay sa itinakdang adjustment range ng DOE, maaaring bumaba o tumaas ng hanggang P1.00 kada litro ang gasolina.

Samantala, inaasahang tataas ang presyo ng diesel ng P2.62 hanggang P4.62 kada litro, habang P2.22 hanggang P4.22 kada litro naman ang posibleng dagdag sa kerosene.

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, nananatiling pabagu-bago ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado dahil sa tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan, partikular sa Strait of Hormuz, na isa sa pinakamahalagang daanan ng mga oil tanker sa mundo.

Sinabi ng kalihim na ang banta sa pagdaan ng mga barko sa naturang ruta ay nagdudulot ng pangamba sa suplay ng langis, dahilan upang tumaas ang presyo nito sa pandaigdigang merkado.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ng DOE chief, kung magpapatuloy ang matinding pagbabago sa presyo ng langis sa susunod na linggo, maaaring hindi na maglabas ang DOE ng adjustment range at sa halip ay magtatakda na lamang ito ng tiyak na halaga.