
Iniulat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipinag-utos ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kasong malversation at graft laban kay Sarah Discaya at iba pa may kaugnayan sa P96.5 million “ghost project” sa Kulaman, Jose Abad Santos, Davao Occidental.
Sinabi ni Marcos, batay sa imbestigasyon, sinabing natapos ang proyekto na flood control project noong 2022 subalit hindi ito kailanman nasimulan.
Ayon sa Pangulo, sa inspeksyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) noong September 25, 2025, natuklasan nila na walang konstruksyon ng proyekto sa nasabing lugar.
Kinumpirma rin aniya ng indigenous peoples at barangay officials sa pamamagitan ng kanilang affidavits na walang ginawang flood control sa kanilang lugar.
Kaugnay nito, sinabi ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na maghahain ang anti-graft body ng mga kaso laban kay Discaya at iba pa sa Regional Trial Court sa Digos City.
Sinabi ni Clavano na matapos ang masusing imbestigasyon, pag-aaral sa maraming dokumento, pagsasagawa ng field verification, at ebalwasyon ng sinumpaang salaysay mula sa community witnesses, nakita ng Office of the Ombudsman na may probable cause para magsampa ng kaso.
Dahil dito, sinabi niya na maghahain sila ng criminal informations sa korte laban sa maraming opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Davao Occidental District Engineering Office, at mga may-ari ng St. Timothy Construction Corporation.
Sinabi ni Clavano na ang mga sumusunod ang respondents sa kaso:
District Engineer Rodrigo C. Larete
Assistant District Engineer Michael P. Awa
Maraming section chiefs, project engineers, at inspectors ng DPWH Davao Occidental District Engineering Office
Private individuals Maria Roma Angeline Remando at Cesarah Rowena Discaya ng St. Timothy Construction Corporation










