
Kinumpirma ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na tuluyan nang sinibak sa serbisyo si dating acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Ranada Aplasca kaugnay ng insidente ng pamamaril sa loob ng Senado noong Mayo.
Ayon kay Remulla, nilagdaan niya ang dismissal order laban kay Aplasca noong Hunyo 29 matapos ang isinagawang imbestigasyon sa naturang insidente. Aniya, ilalabas sa publiko ang buong desisyon upang maipaliwanag ang naging batayan ng pagpapataw ng parusa.
Nauna nang isinailalim si Aplasca sa anim na buwang preventive suspension matapos ang pamamaril na naganap kasabay ng kontrobersiyal na pagpasok ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa Senado habang hinihintay ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation ang pagpapatupad ng warrant of arrest laban sa kanya.
Hindi pa malinaw kung maaapektuhan ang pensiyon ni Aplasca bilang retiradong opisyal ng pulisya dahil sa kanyang pagkakatanggal sa serbisyo.










