
Nagsampa ang Office of the Ombudsman ng malversation complaint laban kay dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co at ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay ng umano’y P77-milyong “ghost” flood control project sa Bulacan.
Ayon sa Ombudsman, idineklarang 100% tapos ang riverbank protection project sa Balagtas River noong Mayo 2, 2025, ngunit walang nakitang aktuwal na istruktura nang inspeksyunin ito.
Kinasuhan sina Co at ilang DPWH officials ng umano’y malversation of public funds through falsification of public documents matapos umanong maaprubahan ang mga bayad sa contractor kahit may iregularidad sa mga dokumento.
May alegasyon din umanong nakolekta ang kickback mula sa proyekto at iniabot kay Co, na tumulong umano upang maisama ito sa national budget.
Samantala, ibinasura ng Ombudsman dahil sa kawalan ng probable cause ang hiwalay na reklamo laban kina Co at iba pang respondent kaugnay ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Nasa labas ng bansa si Co, habang si Henry Alcantara na isa sa mga respondent, ay hindi isinama sa pagsasampa ng kaso matapos mapasailalim sa witness protection program.




