
Sinabi ng Office of the Solicitor General (OSG) na walang maibigay na mga dokumento ang Kongreso kaugnay ng mga binagong item sa 2024 national budget na hinihingi ng Korte Suprema.
Sa pagdinig, sinabi ni Solicitor General Darlene Berberabe na ang tanging naipasa ng OSG ay ang bicameral conference committee report at joint explanation. Aniya, kapwa ipinabatid ng Kamara at Senado na wala silang mga rekord na maaaring sertipikahan bukod sa mga dokumentong iniaatas ng kanilang mga patakaran.
Dahil dito, inatasan ni Associate Justice Benjamin Caguioa ang mga kinatawan ng Senado at Kamara na magsumite ng sinumpaang pahayag kung talagang wala silang mga hinihinging dokumento. Samantala, sinabi naman ni dating Senate President Franklin Drilon na plenary power ng Kongreso ang paglalaan ng unprogrammed appropriations, habang iginiit ng OSG na hindi dapat makialam ang hudikatura sa kapangyarihan ng Kongreso sa paglalaan ng pondo maliban sa judicial review.






