Nilinaw ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na para lamang sa pinakamayayamang Pilipino ang mungkahi niyang magbigay ng tig-₱170,000 bilang boluntaryong kontribusyon upang makatulong sa pagbabayad ng foreign debt ng bansa.

Sa plenary session ng Senado, sinabi ni Cayetano na hindi sapilitan ang naturang ambag at nakatuon ito sa mga may kakayahan at kusang-loob na magbigay.

Paliwanag niya, kung magbibigay ng tig-₱170,000 ang isang porsiyento ng pinakamayayamang Pilipino, posibleng umabot sa ₱200 bilyon ang malilikom na pondo.

Binigyang-diin ng senador na hindi para sa mga ordinaryong manggagawang kapos sa sahod ang kaniyang panukala, taliwas umano sa mga naging interpretasyon at batikos dito.

Sinagot din ni Cayetano ang panawagang siya muna ang magbigay ng kontribusyon at sinabing nauna na siyang nag-alok na tumulong.

-- ADVERTISEMENT --