Nag-aalok ng operasyon ang isang ospital sa Thailand para sa mga gustong magkaroon ng “six-pack abs” na ayaw dumaan sa ehersisyo at diyeta.
Ayon sa CEO ng Masterpiece Hospital sa Bangkok na si Raweewat “Sae” Maschamadol, nakatatanggap sila ng 20 hanggang 30 pasyente taun-taon na gustong magkaroon ng “instant” abs.
Sa halip na gumamit ng silicone implants ay “inuukit” na lang ang abs sa pamamagitan ng pagtanggal sa mga tabang nakapalibot sa tiyan ng pasyente upang lumabas ang tinatawag na “six-pack”.
Hindi lang naman daw para sa mga tamad ang operasyon dahil may mga katulad ni Ome Pangpaparn na sa kabila ng pagdidiyeta at pag-eehersisyo ay hindi pa rin makuhang magkaroon ng “six-pack abs”.
Ayon kay Ome, ginawa na raw niya ang lahat kaya ipinauubaya na lang sa doktor ang kailangan pang gawin upang makamit na ang inaasam na “six-pack”.