
Aprubado na ng Economy and Development Council (ED Council), sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang ₱105.7-bilyong Public-Private Partnership for School Infrastructure Project Phase III (PSIP III) na layong tugunan ang kakulangan sa mga silid-aralan at pagbutihin ang kondisyon ng pagkatuto sa mga pampublikong paaralan.
Ayon sa Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), magtatayo ang proyekto ng 16,459 bagong silid-aralan sa 1,095 paaralan sa Luzon mula 2027 hanggang 2028, na inaasahang pakikinabangan ng mahigit 800,000 mag-aaral bawat taon.
Nilalayon din ng PSIP III na pababain ang average class size at tuluyang alisin ang multiple-shift classes sa mga paaralan.
Ipinapakita ng pag-apruba sa proyekto ang matibay na paninindigan ng administrasyon na pabilisin ang inklusibong paglago at palakasin ang pamumuhunan sa yamang-tao, alinsunod sa Philippine Development Plan (PDP) 2023–2028.
Kasabay nito, pinagtibay rin ng ED Council ang iba pang malalaking proyekto sa transportasyon at agrikultura upang mapahusay ang konektibidad, pasiglahin ang ekonomiya, at itaguyod ang inklusibong kaunlaran sa buong bansa.










