Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magbibigay ang pamahalaan ng P10,000 fuel subsidy sa bawat bus unit upang matulungan ang mga operator na makayanan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East.

Sinabi ng pangulo na sisimulan ang distribusyon ng subsidiya at titiyakin ng pamahalaan na maayos ang pagpapatupad nito. Ayon sa kanya, hindi lamang ito ipatutupad sa Metro Manila kundi sa buong bansa.

Ipinaliwanag din niya na maaaring matanggap ng mga operator ang subsidiya sa iba’t ibang paraan tulad ng digital wallet, ATM, tseke, o cash. Gayunman, binigyang-diin niya na mas madali at praktikal ang paggamit ng digital payment.

Nanawagan din ang pangulo sa mga bus operator na makipagtulungan sa pamahalaan upang hindi masyadong mahirapan ang mga pasahero at hindi agad tumaas ang pamasahe sa gitna ng pabago-bagong presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Dagdag pa niya, mahalaga ang koordinasyon ng pamahalaan, mga operator, at mga driver upang masigurong maayos ang buong sistema ng transportasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Hinikayat din ng pangulo ang mga operator na ipagbigay-alam sa pamahalaan kung may mga problema o mungkahing makatutulong upang mapabilis, mapadali, at maging mas maayos ang sistema para sa mga operator at sa riding public.

Kumpiyansa naman ang pangulo na sa tulong ng kooperasyon ng pribadong sektor at pamahalaan, maibibigay ang nararapat na serbisyo para sa publiko.