Nangako si House Speaker Martin Romualdez na bibilisan ng Kamara ang deliberasyon sa panukalang-batas na magtataas sa arawang sahod ng mga manggagawa.
Ayon sa kanya, ang panukalang-batas ay kailangan na may balanse sa pagitan ng pangangailangan ng mga manggagawa at interest ng employers.
Sinabi ito ni Romualdez kasunod ng pulong kasama sina Speaker Democrito Raymond Mendoza and Assistant Majority Leader Jude Acidre sa labor leaders sa Kamara para sa kanilang inputs sa panawagan na legislated wage hike.
Ayon kay Romualdez, ang kanilang pinag-aaralan ay P200 legislated daily wage increase upang makasabay ang mga manggagawa sa patuloy na pagtaas ng inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin at mga serbisyo, habang tinitiyak ang sustainability sa micro, small and medium enterprises (MSMEs).
Iginiit niya na ito ay isang mahalagang hakbang para sa pag-abot ng inclusive growth at pagtugon sa kasalukuyang mga hamon na kinakaharap ng mga pamilyang Filipino.
Bumilis ang inflation sa 2.9 percent noong Disyembre, mas mabilis sa 2.5 percent na naitala noong buwan ng Nobyembre bunsod ng mas mataas na presyo sa housing at energy, ayon sa Philippine Statistics Authority.
Sinabi niya na ang huling batas na naipasa para itaas ang sahod – ang Wage Rationalization Act of 1989, ay ginawa mahigit tatlong dekada na ang nakakaraan at napatunayan na hindi ito nagresulta sa lubhang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at pagsasara ng maraming negosyo.
Idinagdag pa niya na may makukuhang economic benefits sa wage increase, kabilang ang pagpapataas sa household spending, magpapagalaw sa local economies at magsusulong ng pangmatagalang paglago ng ekonomiya.