Nasabat ng Philippine National Police Aviation Security Group, katuwang ang NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), ang sampung inabandonang parcel na naglalaman ng high-grade Marijuana Kush na may tinatayang halagang P8,554,500 sa isinagawang operasyon sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Domestic Road, Pasay City noong Hunyo 13, 2025.
Ang operasyon ay isinagawa matapos makatanggap ng abiso mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ukol sa mga kahina-hinalang package na ipinadala mula sa iba’t ibang address sa Thailand.
Agad na na-flag ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang mga parsela sa isinagawang X-ray screening.
Nang sumailalim sa inspeksyon gamit ang K-9 unit na si “Magnus,” nakumpirma ang presensya ng ilegal na droga.
Sa isinagawang manual inspection, nadiskubre ang kabuuang 5,703 gramo ng tuyong dahon ng marijuana na itinago sa mga gamit na maling idineklara bilang tsaa, pinatuyong prutas, laruan, damit, at iba pang pangkaraniwang gamit.
Maayos na namarkahan, nakuhanan ng larawan, at naimbentaryo ang mga kontrabando sa harap ng isang media representative at barangay official bago tuluyang i-turn over sa PDEA para sa karampatang disposisyon at mas malalim na imbestigasyon.