Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga bagong nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA) na ang katapatan ng mga sundalo ay dapat nakatuon sa Konstitusyon at sa sambayanang Pilipino, hindi sa sinumang pulitiko, personalidad, o ideolohiya.

Sa graduation ceremony ng PMA Talang Dangal Class of 2026, sinabi ng Pangulo na haharap ang mga bagong opisyal ng militar sa iba’t ibang uri ng banta kabilang ang disinformation, cyber threats, territorial aggression, at mga pagtatangkang pahinain ang tiwala ng publiko sa mga institusyon ng gobyerno.

Pinaalalahanan din ng Punong Ehekutibo ang mga kadete na panindigan ang honor code ng PMA na “never lie, never cheat, never steal, and never tolerate those who do.”

Ayon sa Pangulo, ang pananahimik sa harap ng maling gawain ay pagtataksil hindi lamang sa bansa kundi maging sa sinumpaang tungkulin bilang tagapagtanggol ng Republika.

Pinaalalahanan din nya ang mga bagong opisyal, na pinangunahan ng kanilang batch valedictorian na si Christine Kaye Demisana Librada, na mahalagang matukoy nila ang kaibahan ng katotohanan at panlilinlang lalo na sa panahon ng disinformation, cyber threats, at iba pang modernong banta sa seguridad.

-- ADVERTISEMENT --

Ginamit naman ng Pangulo ang kanyang kapangyarihan bilang Commander-in-Chief upang igawad ang tradisyunal na “pardon” o pagbura sa lahat ng mga umiiral na parusa ng mga kadete sa akademya bilang pagkilala sa okasyon.