
Naghain si Senator Robinhood Padilla ng Senate Bill No. 1957 na naglalayong gawing krimen ang sadyang paggamit ng maling address upang maisagawa ang preliminary investigation nang hindi nabibigyan ng pagkakataong makadalo at makasagot ang respondent.
Sa ilalim ng panukala, maaaring makulong ng anim na buwan hanggang dalawang taon at pagmultahin ng ₱100,000 hanggang ₱300,000 ang sinumang mapapatunayang sadyang gumamit ng pekeng address para makaiwas sa tamang proseso.
Ayon kay Senator Padilla, layunin ng panukala na protektahan ang mga indibidwal laban sa malisyoso at mapang-abusong pagsasampa ng kaso, alinsunod sa karapatan sa due process na nakasaad sa 1987 Constitution.
Iginiit din ni Padilla na hindi lamang ang respondent ang naaagrabyado sa paggamit ng maling address, kundi pati ang sistema ng hustisya dahil nasasayang ang oras at resources sa mga kasong maaaring hindi dumaan sa tamang proseso.
Nilalayon ng SBN 1957 na palakasin ang mga proteksiyon laban sa malicious prosecution at mapanatili ang integridad ng preliminary investigation.










