Opisyal nang idineklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagsisimula ng Northeast Monsoon o Amihan season sa Pilipinas ngayong Martes, October 27.

Ayon sa PAGASA, lumalakas ang high pressure area sa East Asia nitong mga nakalipas na araw, na nagdudulot ng pagbugso ng hanging mula sa hilagang-silangan at pagbaba ng temperatura sa Extreme Northern Luzon.

Sinabi ng ahensya na ang mga pagbabagong ito sa kondisyon ng panahon ang nagpapahiwatig ng pagsisimula ng Amihan season sa bansa.

Sa mga susunod na buwan, inaasahang magiging dominante ang Amihan sa malaking bahagi ng Pilipinas, na magdadala ng mas malamig na panahon, mga pagbugso ng malamig na hangin at maalong kondisyon ng karagatan.

Maaari ring makaapekto sa lagay ng panahon ang shear line, mga bagyong tropikal at Intertropical Convergence Zone (ITCZ) habang nagpapatuloy ang Amihan season.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, patuloy na babantayan ng PAGASA ang kondisyon ng panahon at klima sa bansa, lalo na ang umiiral na El Niño na inaasahang lalakas pa at posibleng umabot sa very strong category bago matapos ang taon.

Pinayuhan din ng ahensya ang publiko at mga kinauukulang tanggapan na regular na subaybayan ang mga weather advisory at iba pang impormasyong inilalabas ng PAGASA.