Nilinaw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na naipamahagi na sa mga operators ang pondo para sa service contracting program at responsibilidad na umano ng mga ito na tiyaking mababayaran ang mga public utility vehicle o PUV drivers na kabilang sa programa.

Ayon kay LTFRB Board Member Atty. Greg Pua Jr., ang kasunduan sa ilalim ng Service Contracting Program ay sa pagitan lamang ng LTFRB at ng mga operators, kabilang ang mga korporasyon at kooperatiba, at walang direktang kontrata ang ahensya sa mga driver.

Hinimok din ni LTFRB Board Member Atty. Greg Pua Jr. ang mga driver na makipag-ugnayan sa kani-kanilang operators upang maayos na matanggap ang kanilang kompensasyon.

Ang pahayag ng LTFRB ay kasunod ng mga reklamong inihain ng ilang PUV drivers na hanggang ngayon ay hindi pa umano nila natatanggap ang bayad para sa kanilang mga biyahe sa ilalim ng programa.

Kabilang dito ang ilang driver sa rutang Muñoz-SM Monumento na nagsabing halos dalawampung araw na silang naghihintay ng kanilang kompensasyon na inilaan bilang ayuda sa gitna ng epekto ng nagpapatuloy na krisis sa Middle East.

-- ADVERTISEMENT --