
Inaprubahan na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang panukalang batas na magdedeklara sa araw ng Eleksyon sa bansa bilang isang “regular non-working holiday.”
Layon ng House Bill 8392 na makalahok sa halalan ang maraming Pilipino at matupad ang kanilang karapatang bumoto.
Ayon kay 4Ps Party-list Representative JC Abalos, ang araw ng halalan ay karaniwang special non-working holiday, hindi tulad ng Araw ng Kalayaan, Labor Day at iba pa.
Presidential proclamation lamang aniya ang madalas na inilalabas para maging special non-working holiday ang araw ng eleksyon.
Habang batay sa Labor Code, ang mga manggagawang papasok sa araw ng eleksyon ay mabibigyan lamang ng dagdag na 30% sa sahod, at ang hindi papasok ay hindi mababayaran dahil sa “no work, no pay.”
Ipinaliwanag ni Abalos na mahalaga na maisabatas ito upang mabigyan ng kalayaan ang mamamayan na makaboto nang walang pangamba o hindi masabi na walang pagkakataon.
Punto naman ni Kamanggagawa Party-list Representative Eli San Fernando, simple ngunit napakahalaga na panukalang ideklara ang araw ng eleksyon bilang isang regular non-working holiday.
Samantala, para kay ACT Teachers Party-list Representstive Antonio Tinio ay hindi dapat kalimutan ang mga pampublikong guro na naglilingkod tuwing eleksyon, na bukod sa honorarium ay nararapat ding makatanggap ng dagdag na kompensasyon sa ilalim ng regular non-working holiday.










