Iginiit ng House Prosecution Team na dumaan sa masusing pagtalakay ang desisyon nitong bawasan ang mga testigong ihaharap para sa Article IV ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Prosecution Legal Spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr., araw-araw nilang sinusuri ang mga naunang testimonya upang malaman kung kinakailangan pa ang iba pang mga testigo.

Sinabi naman ni House Prosecutor Rep. Ysabel Zamora na bahagi ng kanilang estratehiya ang paglilimita sa mga testigo upang hindi mapagod ang mga senator-judges, mga abogado, at maging ang publiko na sumusubaybay sa paglilitis.

Para naman kay House Trial Spokesperson Rep. Zia Alonto Adiong, makatutulong ang hakbang upang mapabilis ang impeachment trial at maging patas din ito kay Vice President Duterte, lalo na kung kapareho lamang ng naunang ebidensya ang ilalahad ng iba pang mga testigo.