
Posibleng kasuhan ng perjury o libel si dismissed police officer Rodulfo Gracioso Jr. kaugnay ng mga alegasyon nito laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon sa abogado ni Duterte na si Clifford Chua, maaaring magsampa ng kaso laban kay Gracioso depende sa magiging desisyon ng bise presidente.
Nagsumite si Chua sa National Bureau of Investigation ng affidavit ni Duterte kaugnay ng alegasyon ni Gracioso na naghatid siya ng mga maleta na may lamang pera kay Duterte, dating Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City Representative Paolo Duterte, umano sa utos ni dating Speaker Lord Allan Velasco.
Sinabi naman ni NBI Director Melvin Matibag na maaari ring magsampa ng kaso ang ahensya kung mapapatunayang mali at perjurious ang mga pahayag ni Gracioso.










