Pinabulaanan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang paglalabas ng kautusan o patakaran na naglilimita sa kalayaan ng mga sibilyan sa pamamahayag, kabilang ang mga pamilya ng mga sundalo sa social media.
Sa kamakailang pagbisita ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. sa iba’t – ibang units ng militar, nilinaw ng AFP na nakatuon lamang ito sa pagpapalaganap ng kahalagahan ng propesyonalismo at disiplina sa mga miyembro ng militar.
Binigyang-diin din ng AFP ang pangangailangan ng responsable at mapanuring paggamit ng social media upang maiwasan ang pagkalat ng disinformation.
Naninindigan din ang Sandatahang Lakas sa karapatan ng bawat mamamayan sa malayang pagpapahayag, kasabay ng pangakong patuloy na itataguyod ang propesyonalismo at maayos na ugnayan sa loob at labas ng kanilang hanay.