Tinawag ni Efraim Cortez, Pangulo ng National Union of People’s Lawyers (NUPL), na kaduwagan ang hindi pagdalo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang confirmation of charges hearing sa International Criminal Court (ICC) na nakatakda sa Pebrero 23.

Ayon sa liham ni Duterte sa ICC, sinabi niya na ayaw niyang dumalo sa legal na pagdinig na maaari rin niyang makalimutan sa loob ng ilang minuto, kasabay ng pagtanggap na maaaring mamatay siya sa loob ng kulungan.

Giit ni Cortez, hindi ito maaaring ituring na act of defiance kundi isang malinaw na pagpapakita ng takot. Binanggit din ng batikang abogado ang pagkaka-aresto ng dating pangulo at ang posibilidad na siya’y madala sa The Hague.

Ani Cortez, ipinakita ng pangyayaring ito ang tunay na katangian ni Duterte, kung saan ang Duterte na ipinakita sa ICC noong Marso 2025 ay isang ‘scared old man,’ kabaligtaran ng imahe ng matatag na lider na nakikita ng mga Pilipino noong siya’y pangulo pa.

Ngayon ay may pagkakataon sana siyang marinig ang lahat ng alegasyon laban sa kaniya at harapin ang kanyang mga akusador, subalit pinili niyang umiwas. Binanggit pa ni Cortez na hindi kayang kumprontahin ni Duterte ang mga nag-aakusa nang walang kasamang bodyguard.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy ang NUPL sa pagtulong sa mga biktima ng kampanya kontra-droga upang makamit ang hustisya para sa madugong administrasyong nakalipas. Ilan sa mga biktima ay magbibiyahe pa patungong The Hague upang dumalo sa pagdinig laban sa dating pangulo.