
Malaking desisyon para sa mga abogado ni Vice President Sara Duterte kung papaupuin nila ito bilang testigo sa kanyang impeachment trial dahil isasailalim ito sa cross-examination ng prosekusyon.
Ito ang inihayag ni House Prosecutor at Manila Rep. Joel Chua.
Ayon kay Chua, diskarte na ng kampo ng depensa kung sa tingin nila ay makatutulong sa kanilang kaso ang pagpapatestigo mismo ng Bise Presidente.
Ipinaliwanag ni Chua na kapag sumalang sa paglilitis si Duterte, dadaan muna ito sa pagsusuri ng sarili niyang mga abogado.
Pagkatapos nito, may karapatan naman ang panig ng House prosecutors na usisain ng mga tanong ang Bise Presidente upang masuri ang kanyang mga pahayag.
Nakatakda ang pre-trial conference ng Senado sa darating na Hunyo 18, habang ang pormal na paglilitis ay magsisimula sa Hulyo 6.
Na-impeach si Duterte ng Kamara noong Mayo 11, 2026 matapos itong botohan ng 257 mambabatas dahil sa mga reklamong kinakaharap nito tulad ng korapsyon at maling paggamit ng pondo ng bayan.









