TUGUEGARAO CITY-Wala umanong pormal na koordinasyon kay Governor Manuel Mamba ang isasagawang Balikatan Exercises sa Cagayan.

Ito ang inihayag ng gobernador matapos ang pag-arangkada ng Balikatan Exercises sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines kasama ang US forces at iba pang kalahok na mula sa ibang bansa.

Sinabi ni Mamba na wala siyang impormasyon kung inumpisahan na ang Balikatan sa probinsya dahil huli lamang siyang kunonsulta ng AFP higit isang buwan na ang nakakalipas at tinalakay lamang sa kanilang naging pagpupulong ang mga aktibidad na isasagawa tulad ng humanitarian at disaster response.

Ayon sa gobernador na hindi siya tutol sa pagkakaroon ng Balikatan Exercises sa probinsya dahil dati na itong ginawa sa mga nakalipas na taon ngunit ang tanging pakiusap lamang ay walang magsasagawa ng live fire na maaaring pagmulan ng alitan o giyera.

Gayonman, binigyang diin niya na mananatili ang kanyang mariing pagtutol sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) site sa probinsya.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, sinabi niya na kaisa siya sa isasagawang peace at prayer rally ng mga tutol sa EDCA sites sa Rizal park sa Tuguegarao City sa April 17 upang ipaabot ang kanilang panawagan at mga hinaing laban sa EDCA sites sa lalawigan.

Idinagdag pa ni Mamba na sa tingin niya ay maling impormasyon ang naipaparating kay Pangulong Ferdinand Marcos dahilan upang aprubahan ang paglalagay ng EDCA sites sa bayan ng Sta Ana at Lal-lo.

Tinawag din niyang kasinungalingan ang pagbaliktad ni Defense Secretary Carlito Galvez Jr. sa kanyang katayuan ng sabihin nito na binawi na niya ang kanyang pagtutol sa paglalagay ng EDCA sites sa probinsya at ang sinasabi noon na umanoy pagpayag ng mga alkalde sa bansa sa nasabing usapin sa pamamagitan ng isang resolusyon gayong kasalukuyan pa lamang itong pinapaaprubahan at pinapalagdaan.

Binigyan diin na sa umpisa pa lang ay tutol siya na maglagay ng EDCA sites sa Cagayan dahil ayaw niyang madamay ang probinsya sa gusot ng US at China lalo na kung ito ay magreresulta sa digmaan na labis na makakaapekto sa mga Cagayano.

Umaasa si Mamba pakikinggan ng pangulo ang kanyang panig kaugnay sa kanyang pagtutol sa EDCA sites.