
Inilipat ng Senate impeachment court sa Hulyo 20 ang petsa ng pagtestigo ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag.
Bunsod nito, mabibigyan ng pagkakataon si Matibag na tumestigo bago ang kaniyang pagbiyahe para sa isang official engagement sa Bangkok, Thailand mula Hulyo 21 hanggang 22.
Sa kabila ng pagtutol ng depensa at palitan ng pananaw sa hiling ng prosekusyon na paglipat ng pagtestigo ng NBI chief, nagpasya si Trial Presiding Officer Francis Escudero na aprubahan ang panukala subalit iginiit na dapat ipagpatuloy ni Matibag ang kaniyang pagtestigo hanggang makumpleto ng depensa at prosekusyon ang kanilang pagsusuri sa kaniya.
Sakali aniyang hindi matapos ang pagtestigo ni Matibag sa Hulyo 20, ipagpapatuloy ito sa sunod na petsa ng paglilitis hanggang sa makumpleto ang cross examination, redirect examination at recross examination, kung kinakailangan.
Ipinag-utos ang pag-subpoena kay Matibag para humarap sa Senate impeachment court sa ganap na alas-dos ng hapon sa Hulyo 20.
Inaasahang tetestigo si Matibag kaugnay ng imbestigasyon ng NBI sa pahayag ni Vice President Sara Duterte noong Nobiyembre 23, 2024, kung saan sinabi niyang may kinontrata na siyang papatay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez, sakaling may mangyari sa kaniya.










