Hinimok ng Malacañang ang mga civil society organizations (CSOs) at iba pang grupong nagbabantay sa pambansang badyet na isumite sa Palasyo ang anumang nakikitang iregularidad o “red flags” sa panukalang ₱7.2-trilyong national budget para sa 2027.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, kailangan ng Pangulo ang mga dokumentong magpapakita ng kuwestiyonableng alokasyon upang maisaalang-alang sa pagsusuri bago lagdaan ang panukalang badyet. Bukas din umano ang Malacañang na makipagpulong sa mga grupo upang talakayin ang mga natukoy nilang isyu.

Nauna nang nagbabala ang People’s Budget Coalition (PBC) sa mahigit ₱1 trilyong umano’y kahina-hinalang alokasyon sa panukalang badyet. Kabilang dito ang ₱210 bilyong tinawag nilang “soft pork” o tulong-pinansiyal na maaaring gamitin sa patronage politics, ₱695 bilyong “hard pork” na binubuo umano ng mga proyektong pang-imprastrakturang politikal ang motibo, at ₱112 bilyong “shadow pork” o unprogrammed appropriations.

Iginiit ni Castro na hindi makikialam ang Pangulo sa trabaho ng Kongreso bilang paggalang sa paghihiwalay ng kapangyarihan ng mga sangay ng pamahalaan. Gayunman, hiniling niyang huwag basta bawasan ang mga nakalaang proyekto upang hindi maantala ang kanilang pagpapatupad.

Nagbabala rin siya laban sa mga kuwestiyonableng insertion at pagbabago sa badyet, at tiniyak na hindi papayagan ng Pangulo ang mga amendment na walang sapat na dokumentasyon, malinaw na paglalarawan at tiyak na resulta ng proyekto.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, nangako si Senate Finance Committee Chairperson JV Ejercito na bibigyan ng pagkakataon ang mga CSO na magmasid sa bicameral conference committee deliberations. Sinusuportahan din umano ng mayorya sa Senado ang pagtanggal sa mga kuwestiyonableng alokasyon sa panukalang badyet.