Muling nagpakita ng kahusayan sa larangan ng mataas na edukasyon ang Saint Paul University Philippines Tuguegarao matapos itong mapasama sa World University Rankings 2026 ng UNIRANKS.

Batay sa opisyal na tala, pumuwesto ang nasabing pamantasan sa ika-108 na ranggo sa Pilipinas mula sa kabuuang 346 unibersidad na kabilang sa ranking ngayong taon.

Sa pandaigdigang talaan naman, nakamit nito ang Global Rank na 13,247 na may kabuuang score na 26.44

Ipinapakita ng resulta ang patuloy na pagsisikap ng unibersidad na mapanatili ang mataas na kalidad ng edukasyon, pananaliksik, at serbisyong pang-akademiko na iniaalok nito sa mga mag-aaral hindi lamang sa Cagayan kundi maging sa iba pang bahagi ng Cagayan Valley.

Ayon sa UNIRANKS, layunin ng kanilang ranking na makapagbigay ng komprehensibo at maaasahang datos hinggil sa katayuan ng mga institusyon ng mataas na edukasyon sa buong mundo.

-- ADVERTISEMENT --

Nakatuon din ito sa pagbuo ng malawak na database upang masukat ang performance, reputasyon, at presensya ng mga pamantasan sa pandaigdigang antas.

Samantala, siyam (9) na unibersidad mula sa Rehiyon Dos ang nakapasok din sa World University Rankings 2026, patunay na patuloy na umaangat ang kalidad ng edukasyon sa Cagayan Valley at nagiging mas kompetitibo sa national at international na antas.

Malaking karangalan din ito para sa lalawigan ng Cagayan, dahil ipinapakita nito na may mga institusyong pang-edukasyon sa rehiyon na kayang makipagsabayan sa iba pang pamantasan sa bansa.

Patuloy namang inaasahan na magsisilbi itong inspirasyon sa mga mag-aaral at guro upang higit pang paghusayin ang akademikong performance at mapanatili ang mataas na pamantayan ng edukasyon sa rehiyon.