
Nanawagan ng hustisya ang pamilya ng dalawang lalaki na natagpuang wala nang buhay sa isang masukal na bahagi ng Barangay Capissayan Norte, Gattaran, Cagayan.
Kinilala ang mga biktima na sina Johnny Agarpao, 52-anyos, isang Barangay Kagawad ng Barangay San Miguel, Baggao at Jefferson De Leon, 30-anyos, residente naman ng Barangay Lasilat, Baggao.
Batay sa imbestigasyon ng Gattaran Police Station, dakong alas-4:30 ng hapon nitong Nobyembre 7 nang madiskubre ang mga bangkay ng dalawa.
Isang magsasakang nagpapastol ng kalabaw ang unang nakakita sa isa sa mga bangkay habang nasa kabundukan at agad itong nagpaabot ng impormasyon sa mga opisyal ng barangay.
Nang balikan ang lugar, nadiskubre rin ang ikalawang bangkay na nasa layong 35 metro mula sa una.
Agad namang rumesponde ang mga pulis at isinailalim sa crime scene processing ang lugar bago dinala ang mga labi ng mga biktima sa Dr. Tomas Nolasco Hospital para sa post-mortem examination.
Sa ngayon, hinihintay ang resulta ng awtopsiya upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay ng dalawang lalaki.
Patuloy naman ang follow-up investigation at backtracking operation ng pulisya upang alamin ang motibo sa krimen at matukoy kung sino ang nasa likod ng pamamaslang.










