Umaapela ng tulong ang isang pamilya sa bayan ng Iguig, Cagayan na tinupok ng apoy ang kanilang bahay sa Barangay Malabbac, kahapon ng hapon.
Sinabi ni Ginang Soledad Dalupan na wala silang naisalba na anumang gamit dahil sa biglaan ang pangyayari.
Ayon sa kanya, sumabog ang tangke ng kanilang gasul kung saan ay dali-dali niyang inilabas ang kanyang mga apo.
Bukod sa mga gamit ay nasunog din ang anim na gamit nilang cellphone.
Para sa mga nagnanais na magbigay ng tulong ay itext o tawagan lamang ang ang cp number na 0935-9180261.
Kaugnay nito, sinabi ni Senior Fire Officer 2 Eduardo Rejado ng BFP-Iguig na sa kanilang imbestigasyon, posibleng sa leak ng kanilang gasul nagsimula ang apoy.
Ayon sa kanya, nakasindi ang kanilang gasul at dahil sa leak ng valve ay bumaba ang apoy hanggang sa tangke kaya ito sumabog.
Tinakpan pa umano ng manugang ni Ginang Dalupan ang valve ng tangke upang maapula ang apoy subalit hindi ito napatay.
Dahil sa pagsabog ay tumilapon sa labas ang kanyang manugang na nagtamo ng paso at gasgas sa kanyang katawan bunsod ng insidente.
Sinabi ni Rejado na tinatayang nagkakahalaga ng P50,000 ang bahay at mga nasunog nilang mga kagamitan.