
Umani ng pangamba mula sa ilang grupo ang pag-deploy ng mga ahente ng Immigration and Customs Enforcement (ICE) sa mahigit isang dosenang paliparan sa Estados Unidos, sa gitna ng kakulangan ng tauhan sa airport security.
Bagama’t iginiit ng Department of Homeland Security (DHS) na tutulong lamang ang mga ICE agent sa crowd control at pamamahala ng pila, may pangamba ang mga immigrant rights advocates na maaari itong humantong sa mas mahigpit na pagpapatupad ng immigration laws sa loob ng mga paliparan.
Ayon sa mga kritiko, ang presensya ng mga ahente ng immigration sa mga security checkpoint ay maaaring magdulot ng takot sa mga biyahero, lalo na sa mga undocumented migrants at mixed-status families.
Samantala, nilinaw ng DHS na hindi pangunahing tungkulin ng mga ipinadalang ahente ang magsagawa ng immigration enforcement, kundi pansamantalang tugunan ang kakulangan ng tauhan ng Transportation Security Administration (TSA), na nagdulot ng mahahabang pila at delays sa biyahe.
Kabilang sa mga paliparang may deployment ng ICE agents ang Atlanta, New York (JFK at LaGuardia), Newark, Phoenix, at iba pa.
Sa kabila nito, iginiit ng ilang opisyal na kinakailangan ang hakbang upang mapanatili ang seguridad at operasyon ng mga paliparan habang nagpapatuloy ang krisis sa staffing.
Patuloy namang mino-monitor ng iba’t ibang grupo ang sitwasyon, lalo na ang posibleng epekto nito sa karapatan at kaligtasan ng mga biyahero sa US.










