
Bumalik na sa Pilipinas si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Lunes, Oktubre 12, matapos ang kaniyang working visit sa Singapore mula Oktubre 7 hanggang 11 upang talakayin ang mga oportunidad sa pamumuhunan, enerhiya at pagpapalawak ng negosyo.
Sa kaniyang pagdating, sinabi ni Marcos na nakipagpulong siya sa mga lider ng negosyo, kabilang ang FedEx, Mitsubishi Corporation at Vena Energy.
Plano ng FedEx na palawakin ang Clark Gateway Hub sa Pampanga na inaasahang magbubukas sa ikaapat na quarter ng 2028. Layunin nitong palakihin ang kapasidad sa pagdadala ng mga kargamento sa ibang bansa at tulungan ang mga micro, small at medium enterprises na maabot ang pandaigdigang merkado.
Samantala, maglalaan ang Mitsubishi Corporation ng 700 milyong dolyar na pamumuhunan sa Ayala Corporation, habang magdaragdag naman ang Vena Energy ng 1.29 gigawatts na kapasidad sa enerhiya, na susuportahan ng 52 bilyong pisong equity investment sa susunod na dalawang taon.
Dumalo rin ang Pangulo sa 24th Forbes Global CEO Conference at bumisita sa Singapore Nuclear Research and Safety Institute. Ayon kay Marcos, layunin ng mga pagbisita na palakasin ang ugnayang pang-ekonomiya, palawakin ang pamumuhunan at ihanda ang Pilipinas sa mga industriyang inaasahang uunlad sa hinaharap.










