
Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mamamayan na higit pa sa simpleng pag-alala ang gawing pagpaparangal sa mga pambansang bayani ngayong National Heroes’ Day.
Sa kanyang mensahe, sinabi ng Pangulo na maipapakita ang pagpapahalaga sa sakripisyo ng mga bayani sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng kanilang kagitingan, pagmamahal sa bayan at pagiging responsableng mamamayan.
Binigyang-diin ng Punong Ehekutibo na patuloy na nabubuhay ang diwa ng pagkabayani sa mga modern-day heroes ngayon tulad ng mga sundalo at first responders, pati na ang mga guro, health workers, magsasaka, mangingisda, at mga Overseas Filipino Worker.
Kinilala rin ng Pangulo ang mga ordinaryong Pilipinong tapat na nagtatrabaho, tumutulong sa kapwa, nagpoprotekta sa mga nangangailangan at ginagawa ang kanilang bahagi para makatulong sa bansa.
Hinimok ng Pangulo ang lahat na patunayang karapat-dapat ang bansa sa ipinamanang kalayaan habang patuloy na binubuo ang isang “Bagong Pilipinas” para sa mga susunod na henerasyon.
Samantala, pinangunahan din ni Pangulong Marcos ang isang programa sa Libingan ng mga Bayani ngayong umaga.




