
Walang planong magbitiw sa puwesto si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ayon sa Malacañang, kasunod ng mga pahayag mula sa kampo ni Vice President Sara Duterte na handa itong pumalit sa pagkapangulo.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, patuloy na ginagampanan ni Marcos ang kaniyang tungkulin at nagtatrabaho para sa bansa.
Sinagot din ni Castro ang alegasyon ng kampo ni Duterte na kontrolado ng Malacañang ang mga senador, pulis at iba pang opisyal ng gobyerno kaugnay ng impeachment case ng bise presidente.
Giit ni Castro, ginagampanan lamang ng mga ahensya ng gobyerno ang kanilang mandato at dapat harapin ni Duterte ang mga isyung ibinabato laban sa kaniya.
Samantala, tumanggi si Castro na magbigay ng detalye sa anumang posibleng legal na operasyon laban kina dating presidential spokesperson Harry Roque, dating mambabatas Zaldy Co at Senator Loren Legarda.










