
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi niya nakikitang banta sa kabuhayan ng mga lokal na residente at komunidad ng mga katutubo ang planong Pax Silica Hub sa Capas, Tarlac.
Ayon sa Pangulo, inaasahang lilikha ang proyekto ng sampu-sampung libong trabaho at bahagi ito ng pagsisikap ng pamahalaan na palakasin ang papel ng Pilipinas sa pandaigdigang supply chain ng semiconductor, digital economy at artificial intelligence o AI.
Gayunman, umani ng pagtutol ang inisyatiba dahil sa pangambang maaaring maalis sa kanilang lupain ang mga residente, maapektuhan ang kalikasan at malagay sa panganib ang mga tradisyonal na libingan ng mga katutubo.
Ipinahayag naman ni Marcos na sensitibo ang pamahalaan sa mga usapin ng kultura at posibleng pagpapalikas sa mga komunidad.
Tiniyak niyang bahagi ng mga talakayan ang mga naturang alalahanin at hindi umano hahayaang malagay sa panganib ang mga ito.
Samantala, nagpahayag na rin ng pangamba ang ilang residente ng Capas kaugnay ng mga proyektong pangkaunlaran sa lugar, dahil sa posibilidad na hindi sila maging kuwalipikado sa mga trabahong malilikha ng mga ito.










