
Arestado ang isang 50-anyos na pasaherong patungong Hong Kong matapos umanong magbiro tungkol sa bomba sa departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 nitong Martes.
Ayon sa Philippine National Police Aviation Security Group (AVSEGROUP), naganap ang insidente habang ipinapaliwanag ng isang airline passenger service agent ang mga restriksiyon sa pagdadala ng mga mapanganib na gamit at electronic devices.
Bigla umanong sinabi ng pasahero sa airline personnel na, “Bomba, may bomba ‘yan.”
Agad itong inimbestigahan ng mga tauhan ng AVSEGROUP at nakipag-ugnayan sa Explosive Ordnance Disposal team. Matapos inspeksiyunin ang bagahe ng pasahero at ang paligid, idineklarang walang pampasabog o incendiary materials ang mga ito.
Dinala ang suspek sa NAIA Police Station 1 at inihahanda na ang reklamong paglabag sa Anti-Bomb Joke Law, kaugnay ng Article 287 ng Revised Penal Code o Unjust Vexation.
Binigyang-diin ni AVSEGROUP director Police Brigadier Dionisio Bartolome Jr. na hindi binabalewala ang anumang pagbibiro tungkol sa bomba dahil maaari itong magdulot ng alarma at makagambala sa operasyon ng paliparan.










