Ipinagpaliban ng Senate impeachment court hanggang Lunes, Hulyo 20, ang pagdedesisyon sa kahilingan ng House prosecution panel na magpalabas ng subpoena para sa tax at bank records ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawa na si Atty. Manases Carpio.

Ayon kay Presiding Officer at Senate President Francis “Chiz” Escudero, nagkasundo ang mga senator-judge na pag-aralan pa ang usapin dahil hindi pa natatapos ng lahat ang pagbasa sa mga memorandum na inihain ng magkabilang panig. Sa muling pagdinig sa Lunes, bibigyan din ng pagkakataon ang bawat senator-judge na magtanong sa prosecution at defense bago pagbotohan ang mga mosyon.

Iginiit ng House prosecution panel na mahalaga ang mga rekord upang mapatunayan ang umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte. Ngunit tumutol ang kampo ng bise presidente at sinabing walang sapat na batayang legal at paktuwal ang kahilingan at nilalabag nito ang karapatan sa privacy at due process. Samantala, sinabi ni Defense counsel Michael Poa na umaasa silang papabor sa kanila ang magiging desisyon ng impeachment court, ngunit igagalang nila ang magiging pasya at nakahanda ring gamitin ang mga legal na remedyo kung kinakailangan.