Nagpahayag ng pagkadismaya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Senior High School Curriculum, na aniya ay walang bentahe ang sistema.
Sinabi ni Marcos na wala namang bentahe ang Senior High School sa halip ay dagdag pang gastusin ito ng mga magulang dahil sa nadagdagan ng dalawang taon ang kanilang pag-aaral, subalit hindi naman sila natatanggap sa trabaho.
Dahil dito, sinabi ni Marcos hihintayin niya kung ano ang gagawing hakbang ng kongreso.
Gayunman, sinabi niya kay Education Secretary Sonny Angara na pagandahin ang SHS habang ito ay umiiral pa.
Nitong nakalipas na linggo, kinilala ni Angara ang pagkukulang sa pagpapatupad ng SHS curriculum, kung saan aniya hindi naging maganda ang implementasyon nito sa nakalipas na dekada dahil sa dami ng asignatura ay hindi makapili ang mga mag-aaral.
Matatandaan na noong August 2024, ipinag-utos ni Marcos ang rationalization ng SHS curriculum dahil sa pagnanais niyang matiyak na makakuha ng magandang trabaho ang mga SHS geaduates.
Samantala, sa ngayon ay may 841 na paaralan ang kasali sa pilot implementation ng revised SHS curriculum, na isinailalim sa masusing pag-aaral at konsultasyon sa mga education stakeholder.
Isa sa mahalagang features ng bagong curriculum ay ang pagbabawas ng core subjects mula 15 na iniaalok bawat semestre sa lima na lamang para sa buong taon ng Grade 11.