Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kahalagahan ng mas pinaigting na ugnayan at pagtutulungan ng mga parliyamento ng mga bansang kasapi ng ASEAN upang matugunan ang mga nagbabagong hamon sa rehiyon.

Sa kaniyang talumpati sa ASEAN Leaders’ Interface with representatives of the ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) sa Philippine International Convention Center sa Pasay City, sinabi ni Marcos na kabilang sa mga dapat tutukan ang seguridad sa pagkain at enerhiya, artificial intelligence, online scams, transnational crimes, climate change at proteksyon sa mga migrant worker.

Ayon sa Pangulo, hindi kayang tugunan ng iisang institusyon lamang ang mga hamong ito kaya mahalaga ang pagtutulungan ng mga pamahalaan at parliyamento sa pagbuo ng mga polisiya, batas at programa.

Binigyang-diin din niya ang pangangailangang maisama sa mga desisyon ng ASEAN ang pananaw ng mga mambabatas at mga komunidad upang maiugnay ang mga regional agreement sa konkretong hakbang sa bawat bansa.