Mariing itinanggi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may impluwensiya ang Malacañang sa pagpili ng Senate president.

Ito ang naging tugon ng pangulo matapos sabihin ni Senator Rodante Marcoleta na si dating Senate President Alan Peter Cayetano umano ang nag-iisang naging lider ng Senado na walang basbas ng Malacañang.

Ayon kay Pangulong Marcos, tila “out of this world” ang pananaw na kaya niyang idikta ng magiging resulta ng botohan sa Senado dahil ito ay eksklusibong desisyon ng mga senador at hindi ng Palasyo.

Bagama’t aminado siyang mino-monitor ng Malacañang ang mga kaganapan sa Senado dahil mahalaga itong bahagi ng pamahalaan, nilinaw niyang hindi siya ang nagtatakda kung sino ang dapat mamuno sa mataas na kapulungan.

Binigyang-diin pa ng pangulo na bilang dating senador, alam niyang hindi maaaring utusan ng sinuman ang mga senador kung sino ang kanilang iboboto bilang Senate president.

-- ADVERTISEMENT --