Naglaan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng karagdagang ₱3 bilyong pondo para sa Department of Migrant Workers (DMW) upang matiyak ang ligtas na repatriation at tulong sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) na naapektuhan ng kaguluhan sa Middle East.

Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, gagamitin ang pondo para sa iba’t ibang assistance program kabilang ang pre-departure support, pamasahe sa eroplano, at mga programang pangkabuhayan para sa muling pagsisimula ng mga OFW pagbalik sa bansa.

Batay sa pinakahuling datos, umabot na sa 10,446 Pilipino ang ligtas na naiuwi sa Pilipinas sa pamamagitan ng humanitarian flights ng DMW.

Kabilang dito ang mga OFW na nangangailangan ng agarang medikal na atensyon na sinamahan ng mga medical personnel sa kanilang pag-uwi.

Sinabi ni Recto na direktiba ng Pangulo na tiyaking mabibigyan ng sapat na tulong ang mga OFW hanggang sa kanilang pagbalik sa kani-kanilang mga probinsya.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kanilang pagdating sa bansa, makatatanggap ang mga repatriated OFW ng financial assistance, psychosocial counseling, medical assessment, at tulong sa paghahanap ng trabaho.

Naglaan din ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng hanggang ₱20,000 livelihood assistance para sa mga OFW na nais magtayo ng sariling kabuhayan.

Samantala, nagsagawa na ang DMW ng 15 job fairs sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang mabigyan ng oportunidad sa trabaho ang mga umuwing manggagawa.

Nagpatupad din ang Department of Education (DepEd) ng pinabilis na hiring process para sa mga lisensyadong gurong OFW na nais makapagturo sa mga pampublikong paaralan.